Friday, March 6, 2009

Ano nga ba "DIGNIDAD"?

Sisimulan ko ang blog na ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng sarili kong pagkakaunawa sa salitang dignidad. Para sa akin, ang dignidad ay matatamo ng tao base sa sarili nitong paggalang o pagrespeto sa kapwa nito. "Wag mong gawin sa kapwa mo ang ayaw mong gawin ng kapwa mo sa'yo." Marahil ay maraming beses mo na nakita ang salawikaing ito, kaya naman, hindi ko na gagamitin pa ito. At sa halip, babaguhin ko ito ng kaunti at iyon na lamang ang bibigyan ko ng tuon. "Gawin mo sa kapwa mo ang gusto mong gawin ng kapwa mo sa'yo." Wag niyong bigyan ng ibang kahulugan ang sinabi kong ito. Ang ibig ko lamang sabihin, igalang mo ang iba kung gusto mong igalang ka nila. Kapag naisakatuparan mo na ito, nakatitiyak akong may dignidad ka. Sa puntong ito, nais kong balikan ang mga nagdaang araw namin sa Project 3 Elementary School sa pag-asang mapagnilayan kung natamo ko nga ang dignidad.


Unang taon ko pa lamang sa kolehiyo ay napasubok na kaagad ako sa pag-eerya. Sa totoo lamang, dati ay hindi ko maisip ang sarili kong nagtuturo sa mga bata. Hindi naman kasi ako magaling magpaliwanag at kulang din sa pasensiya. Sa amin nga, hindi ako gaanong nakikisalamuha sa mga bata, lagi lamang akong nasa loob ng bahay. Marahil nga'y marami na rin akong napagdaanan mula noon. Sa totoo nga, palagay ko tila napakatagal ko nang nagtuturo. Napamahal na nga siguro ako sa gawaing ito kaya nga sa ngayon ay pinag-iisipan ko kung itutuloy-tuloy ko na ang pagtuturo. Hindi pa kasi buo ang isip ko sa landas na tutunguhin ko kaugnay ang kurso ko. Nakatutuwa nga na isa sa mga pinagpipilian ko ay ang pagtuturo.


Ngunit may tanong na tumambad sa isip ko, "May naitutulong nga ba talaga ako sa mga batang tinuturuan ko?" Nung una ko itong naisip, hindi ko talaga masagot at sumakit pa ang ulo ko. May mga pagkakataon kasi na nagtuturo nga ako pero hindi ko mabakas ang mukha ng pagkakontento sa mga bata. Hindi ko alam kung na-gets nila e. Natakot tuloy ako kasi tsaka ko lang nabatid na ganon ang kaso. Maaari kasing wala silang naiintindihan mula pa noong simula. Kaya nung sumunod na erya, sinubukan kong solusyunan ang mga problema. Mas binigyan ko ng tuon ang talagang pagkatuto ng mga bata kesa sa pagtatapos sa mga nakatakdang aralin. Sinabi ko na lang sa sarili ko, "hindi na baleng mabagal basta gets talaga nila." Mula rito, masasabi kong nagampanan ko ang tungkulin ko sa erya.


Sa pagtagal-tagal ko pa sa erya, nabatid ko ang mas malaki pang bagay na naibabahagi naming mga tutor sa aming mga tutee. Higit na mahalaga sa kaalamang akademiko, nabibigyang tanglaw namin ang mga bata sa pamamagitan ng pagbibigay pag-asa. Ang tinutukoy kong pag-asa ay ang pag-asa na kaya rin nilang magtagumpay, pag-asa na kaya rin nilang maging katulad namin na nakakapag-aral sa magandang kolehiyo o higit pa. Higit kong nauunawaan ang mga bata sa erya sapagkat hindi naman ako nalalayo sa kalagayan nila dahil mahirap din ako at nag-aral din sa pampublikong paaralan. Ito marahil ang dahilan kung bakit malaki ang pagpapahalaga ko sa kanila at sa mga ginagawa sa erya.


Haay..kung susumahin, isang beses lang sa isang linggo ang ginagawang pagtuturo, minsan nga ay wala pa e. Ang ibig ko lamang iparating, kakarampot lamang ang ating panahon na kasama ang mga batang ito. Hindi talaga tayo sigurado kung gaano sila naaapektuhan ng mga programa para sa kanila. Ngunit para sa akin, hindi na ito mahalaga. Sa loob ko, nakatitiyak ako na kahit gaano kaliit ay meron talagang nagagawa ang mga ito sa mga bata. Nakatutuwang makasaksi sa pagkahubog na ito ng mga bata, lalo na at alam mong isa ka sa mga nagdulot nito. Oo..maliit nga..pero hindi pa naman dito natatapos ang lahat..marami pa akong naibabahagi pagkatapos ng kolehiyo. Para sa ngayon, sa tingin ko ay natamo ko nga ang dignidad. Kasi kung hindi, sa tingin ko hindi naman ako magiging masaya sa mga nagawa ko.

6 comments: